Kahapon, ako at ang ilan sa aking mga estudiante ay nakapagproseso ng aming pagdanas ng nakaraang eleksyon pati ng mga resulta nito. Marami sa kanila, nagsabing parang nawawalan na sila ng pag-asa. Pakiramdam daw nila ay wala silang kakayanang hubugin ang mundong pinagkakaitan sila ng inaasam nilang pagbabago. “Hopeless” at “helpless” — ito ang mga salitang paulit-ulit nilang ginamit sa pagpapahiwatig ng kanilang pananaw sa kinabukasang magulo, alanganin, at tila wala nang sense. Ang iba sa kanila, sumama sa pangangampanya at inuna pa ang sorties at house-to-house campaigns kaysa sa acads. Kaya lalo silang nanlulumo sa kinalabasan. Sabi ng isa, ginawa naman namin ang lahat ng makakaya sa pangangampanya, hindi naman kami nagkulang sa effort. Pero talo pa rin? Bakit pa kami nag-aaral, kung ang pinapabuyaan ng lipunan ay mga magnanakaw lang din. Sayang lang ang lahat ng pagsisikap namin.
Naalala ko ang unang beses na lumahok ako sa elektoral na pangangampanya. Nag-campaign volunteer ako para kay Nicanor Perlas noong 2010, at sumama sa mga social development at cultural workers — dancers, filmmakers, visual artists, musicians, writers — na mag-organisa ng mga music nights at educational discussions sa campaign sorties at makipag-usap sa mga tao sa mga maralitang komunidad sa Metro Manila. Huling semestre ko na sa UP noon, at dahil dati-rati, Marso nagtatapos ang semestre, may oras akong pumunta sa campaign headquarters sa Cubao at sumamang mangampanya. Siempre, natalo si Sir Nick; sa pagkaka-alala ko, siya pa nga ang may pinaka-kaunting nakuhang boto kahit na yung plataporma niya para sa just, equitable, and sustainable development ang pinaka-may saysay sa aming paningin. Ang lala din ng disillusionment ko noon, nang napagtanto kong sa elektoral na pulitika, kailangan ng maraming pera at malaking makinarya. Hindi sasapat ang track record ng serbisyo, talino, kakayahan at tapat na pagnanais na makapaglingkod sa iba. Pagkatapos ng kampanya, naghiwa-hiwalay din kaming mga volunteers at bumalik sa kani-kanyang mga pinagkakaabalahan.
Sabi ko sa mga bagets kahapon, sana huwag ninyong masyadong personalin ang kinalabasan ng kampanya lalo na kung nagsipag naman talaga kayo na makipag-ugnayan at makipag-usap sa inyong mga komunidad. Tandaan natin na maraming mga pwersa na labas sa ating kontrol at pagpapasya, na ang mga istruktura ng lipunan na humuhubog sa huwisyo at layon at nais ng mga tao ay deka-dekada ang pagyari, at ang mga iyan ay hindi bigla-biglang mababaliktad sa loob ng pitong buwan, gaano man kagilas-gilas ng mga palabas at kabongga at kakulay ng mga galawan. Ilang taon na rin tayong binabagyo ng mga paninira at dis-impormasyon sa araw-araw, at pinag-aaway-away ng mapanghating retorika, kaya hating-hati talaga ang mga palagay at pagkakakilanlan ng mga tao. Tandaan na ang rehabilitasyon ng mga Marcos ay matagal na ring nagaganap. Hindi ba’t si Imelda ay nakabalik sa Pilipinas noong 1991 pa? Mantakin mo yun, ang pinalayas ng taumbayan noong 1986, nakabalik agad sa loob ng limang taon! Hanep. Hindi pa nga kayo pinapanganak noon. Tanungin n’yo kaya ang mga magulang ninyo kung anong ginawa nila nang pinayagang bumalik ang mga Marcos.
Sana huwag n’yo ring isipin na sayang lang ang pagsama ninyo sa mga kampanya, kasi mahalaga ang karanasan na yan. Siguro naman may mga napagtanto kayo tungkol sa klase ng lipunan na meron tayo. Siguro may mga napansin din kayo tungkol sa mga limitasyon ng elektoral na pamumulitika, lalo na kung may malakas na mayorya sa pamahalaan at bilyones na panggastos sa makinarya ang naghaharing elite na koalisyon. Hindi sayang ang inyong pakikilahok, dahil natuto kayong lumabas sa inyong mga comfort zones at makipag-usap sa iba, natuto kayong umugnay at makiisa, marami kayong bagong mga nakilalang kasama. Panghawakan ninyo yan kasi kakailanganin ninyo ang mga ugnayan na yan pag lalong lumala ang panunupil dito. Ang ibig kong sabihin, sa totoo lang kung magka-crackdown sa mga karapatan dito, madali mo namang maililigtas ang iyong sarili. Tatahimik ka lang, yuyuko, tutungo, huwag papalag, huwag mag-iisip, o kaya’y huwag maghahayag ng iniisip. Basta sumayaw ka lang sa kanilang tugtugin, sumunod ka lang. Ngunit kung gusto ninyong huwag mamatay ang pagkatao n’yo, kailangan ninyo ng mga kasamang magpapaalala sa inyo kung bakit mahalagang manlaban.
Para huwag mawalan ng pag-asa, ipako ninyo ang inyong pag-iisip sa kung anong maari ninyong gawin sa saklaw ng inyong impluwensya at paggalaw. Kasi kung ang titingnan lang natin ay yung mga panlipunang istruktura ng inhustisya at di pagkakapantay-pantay, talagang magiging “helpless” ang pakiramdam natin kasi parang ang laki-laki nila di ba, at wala naman tayong kontrol sa kanila bilang mga indibidwal; tayo nga ay hinuhubog ng mga istrukturang ito. Pero yang mga construct na iyan, hindi rin naman inevitable, kasi mga tao din naman ang nagpapanday at nagpapaandar niyan. Kaya humanap lang kayo ng pagkakataon — ng pagbubukas, ng panimula — tapos doon kayo gumalaw tungo sa pagbabago sa lipunan na gusto ninyong makita (corny man pakinggan).
Sa huli naman, ang eleksyon ay sintomas lang ng kasalukuyang kalagayan ng lipunan. At ang tao, bumoboto batay sa kanyang materyal na kalagayan. Kaya ang eleksyon ay hindi magiging tunay na demokratiko, patas, at malaya hangga’t ang lipunan natin ay hindi demokratiko, patas, at malaya. Kaya tanungin ang sarili, ano kaya ang maari kong gawin bilang kabahagi ng lipunan upang tumulong na gawing mas demokratiko at patas ito? Anong maaari kong gawin para palayain ang sarili at ang iba? Kailangan mong hanapin ang sagot diyan, tapos kailangan mong magtrabaho para maging klase ng tao na may kakayanang gampanan ang papel na pinili mo. Kaya kayo nag-aaral, kaya kayo nagtatrabaho at naghahanda ng sarili. Hindi para “manalo” kundi para gampanan nang may kakayanan at integridad ang napili ninyong tungkulin sa mga komunidad ninyo. Ako, gusto ko lang bawasan kahit kaunti ang kamangmangan sa paligid ko, kaya ako nakiki-alam, nag-aaral, nagtuturo.
Kaya sana huwag ninyong bitawan ang mga hangarin ninyo noong magdesisyon kayong sumama sa pangangampanya. Huwag ninyong bitawan yung mga natutunan at nakilala at nakasama ninyo. Kasi kinabukasan ninyo iyan, kinabukasan ninyo ang nakataya. Huwag ninyong hayaang iba ang magdikta kung anong klaseng hinaharap lang ang bukas sa inyo. Dahil kayo, ‘di tulad ng marami sa lipunan natin, ay maraming mga mapagpipilian sa buhay.